sermon

sabi ko nga dati, ang buhay ay hindi timbangan ng tama at mali kundi sukatan ng tagumpay at saya. ang tama sa’yo ay maaaring mali sa nakararami at ang mga bagay na kumportable kang gawin ay pwedeng hindi normal sa paningin ng iba pero sa bandang huli ikaw pa rin ang hari ng sarili mo at ikaw lang ang sarili mong tigapag-alaga. ilaan mo ang bawat oras mo sa paghahanap ng tamang pwesto kung saan ka magiging masaya at iwasan mong magsayang ng kahit isang minuto sa pagiisip ng tamang eksplenasyon para sa iba sa bawat aksyon mo, hindi mo makokontrol ang utak ng ibang tao pero ikaw lang ang may hawak kung saan at kanino ka magpapaapekto. huwag mong kusang ilako at ipamigay ang pribelehiyo para sa iba na magkaron ng timbang ang salita nila laban sa’yo, hayaan mong paghirapan nilang makuha ‘yun, pagbayarin mo sila ng mahal.
ilagay mo ang sarili mo sa gitna ng entablado sa harap ng mga taong nahahati sa dalawang grupo, isa sa kaliwa na maghahagis ng bato sa harapan mo at isa sa kanan na babatuhin ka ng suporta, nasa sa’yo na kung sino sa kanila ang haharapin at alin ang iilagan mo.
minsan kailangan mong harapin ang kung anong bagay na kinakatakot mo para hindi s’ya manatiling basta takot lang habambuhay o kung hindi man para magkaron ka ng mas matibay na dahilan para iwasan ‘yun.
hayaan mong patibayin ka ng bawat sariling pagkakamali mo.
kumbaga sa pako, imbis na ituring mong kasiraan ang mga kalawang mo gawin mo itong proteksyon para sa lahat ng gustong umapak sa’yo.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *