shawarma sa tinderong nakabike, ang sarap ng pancit at ang nanay kong bastos ang bibig

hindi na bago sa akin ang pakiramdam na ‘yun. halos kasabay na yata ng pag idad ko ang pakikisalamuha sa panganib na ganun. napunta ako sa sitwasyon na kailangan kong magdesisyon at kailangan kong magdesisyon ng mabilis. at wala ng mas hihirap pa sa sitwasyon na ‘yun kung makikita mo ang sarili mo na nasa gitna ng kalsada. babalik ka ba sa opisina o didiretso ng lakad pauwi ng bahay n’yo? naisip ko na pwede akong sumakay ng pedicab pabalik ng opisina pero wala akong barya at malakas ang kutob ko na hindi ko na mahihintay na magbilangan kami ng sukli pag andun na ‘ko sa sitwasyon na ‘yun. naisip ko na pwede ko naman ikeep the change ang sukli, pero naisip ko na masyadong malaki ‘yun at kukulangin ako ng pamasahe pauwi.pikit mata kong idiniretso ang paglalakad palayo ng opisina. sa bawat sampung maliliit na hakbang na nagagawa ko, palayo ng palayo ang tsansa ko na makabalik at magbago ng desisyon. sumakay ako ng jeep at nag abang ng bus. sa bawat sandali ng byaheng ‘yun hanggang sumakay ulit ako ng isa pang jeep at bumaba sa kalsada namin, hindi ko na mabilang kung ilang libong beses akong bumulong ng panalangin.
kung nagkataon na nagunaw ang mundo nung mga oras na ‘yun, nasisigurado ko na isa ako sa unang unang maliligtas dahil sa pagiging biglaang saradong katoliko ko nung mga oras na ‘yun.
hindi ako nakapasok kinabukasan nun dahil sumasakit pa rin s’ya at pakiramdam ko masyado ng pahirap kung dadanasin ko pa ulit ‘yung pasakit na ‘yun sa byahe. wala pa akong kinakain na kahit ano dahil literal na isinusuka ko pag nagkakalaman ang tiyan ko. suspektado ang shawarma na inilibre sa akin ng kasama ko sa trabaho na binili sa tinderong naka bike. iyan lang ang huli kong kinain nung gabing ‘yun. isa sa pinakamahirap na pakiramdam ang magsuka’t tae ka, nakakawala ng moral. nakakatakot na baka bigla na lang malito ang sistema mo at maisuka mo ang tae mo.
.. ok, hindi nangyayari ‘yung ganyan.
hindi ako pwede sa ulam sa bahay ng nanay ko, mortal sin sa taong kinukumbulsyon ang tiyan na mag ulam ng ginataang langka. naghintay ako ng miryenda at humiling ng pancit. may isang buwan ko na yatang pinapangarap makakain ng pancit na totoo at hindi ‘yung lucky me lang. magpadeliver na lang daw, sabi ko sagot ko na ang bayad basta sila na ang tumawag. balik ako sa bahay at harap sa pc, pagkalipas ng kulang isang oras wala pa rin ang pancit. binalikan ko ang nanay ko para magulat lang sa realidad, pare pareho pala kaming naghihintayan. wala pang tumatawag sa magdedeliver ng pancit kesyo busy daw s’ya sa paglalaba kasabay ng paglilinis ng bahay at ang kapatid ko naman e naglilinis ng sasakyan n’ya, ako na lang daw kaya ang tumawag, bigla ang akyat ng dugo sa batok ko sabay aksidenteng kumawala sa bibig ko ang isang malakas na sumbat “ako na nga ang magbabayad ako pa ang tatawag? anong gusto n’yo nganganga at lulunok na lang kayo?” mas mabilis ang bibig ko kesa utak ko, huli na nung naisip ng utak ko na mali ang sinasabi ng bibig ko.. at bago pa ako tuluyang lamunin ng kaguiltihan, gumanti ng sigaw ang nanay ko “napakayabang mong magsalita!!naisip ko, patay na.. napakasama kong anak para pasamain ang loob ng nanay ko ng dahil lang sa pancit
..ikaw kaya maglaba ng boxers mong may tae!!

… kung tutuusin masarap din naman ang lucky me lalo na kung pagsasama samahin mo ‘yung tatlong flavor. ‘yung dilaw, may kalamansi, tsaka ‘yung maanghang. champion talaga kase parang nagtatalo ‘yung lasa nilang tatlo. tapos sasabayan mo pa ng sprite..

Shares 0

0 thoughts on “shawarma sa tinderong nakabike, ang sarap ng pancit at ang nanay kong bastos ang bibig”

  1. hahahaha…. astig ka talaga idol! napatawa mo ako dun kahit masama ang mood ko. ayos na ayos ka! natawa ako dun sa banat ng nanay mo, hahaha… teka magaling ka na ba? baka isang linggo yan. hahaha

  2. walang humpay talaga ang nanay mo. parang sya lang talaga ata ang nakaka-taob sa mabilis mong bibig.

    ansarap mong padalhan ng tunay na pansit. di ko lang alam pano.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *