wisdom tooth

kumbaga ikaw ‘yung wisdom tooth na tinanggal sa akin mahigit dalawang taon na ang nakakalipas, hindi ko ‘yun hinahanap hanap dahil sa totoo lang hindi ko naman kailangan ‘yun, kuntento at gumagana naman ng maayos ang sistema ko ng wala ‘yun.
alam din ng diyos na walang pakinabang sa akin ‘yun pero pinili n’yang itanim sa gilagid ko ‘yun at patubuin dahil alam n’ya na pagdating ng araw isang importanteng aral ang matututunan ko dun.
hindi katulad ng mga nauna na, dobleng pag aalaga ang kailangan dito sa bago. kailangan todo ang paglinis dahil nasa dulo at mahirap iwasan na dun sumingit ang mga nginuya mo buong araw. dobleng pag aalaga sa isang bagay na wala namang pakinabang.
nagising na lang ako isang araw na sobrang sakit ng ngipin na ‘yun, hindi patas na sakit mula sa isang bagay na wala namang pakinabang pero binigyan mo pa rin ng ibayong pag aalaga.
halos isang linggo ko din ininda ang sakit na ‘yun, hindi ako makatulog ng maayos at hindi ako makakain, at hindi ako gumagana ng normal. isang desisyon ang kinailangan kong gawin, ipapabunot ko ba s’ya para isang big time na sakit na lang o titiisin ko na lang ‘yung araw araw na pagpapahirap n’ya sa akin?
sa loob ng halos magtatatlong taon hindi kahit minsan nagbago ang tingin ko na tama lang ang naging desisyon ko.
at kung kunyari ang bibig ko ang sumisimbulo sa buhay ko, seryosong bumango ang hininga ko nung nawala ka.

Shares 0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *